Sa ayaw man at sa gusto niyo, buhay pa ako. Oo, bagama't halos isang taon na akong hindi nakapagsulat dito, may balak pa din naman akong ipagpatuloy itong nasimulan ko.
Sabi ng isa kong kaibigan na nagngangalang Maylisa, masyado daw mahahaba ang aking mga sinusulat kung kaya naman paiikliin ko na ang bawat pasok (entry) mula ngayon.
Naalala ko lang, dahil medyo katunog ang pangalan ng kaibigan ko ang pangalan ng nanalo sa PBB o Pinoy Big Brother, na sawang-sawa na din ako na makita ang Melason sa TV. Tila nalalason na nga ata ako tuwing ililipat ko ang TV sa TFC. Marahil ay nagsawa na lang talaga siguro ako.
Oo, wala ulit ako sa aking minamahal na bansa sa ngayon. Heto ako at nag-aaral pa din sa ibang bansa. Hindi pa din ako natatapos dahil nagpasya akong magtrabaho muna. Hindi ko nalinaw sa nakaraang pasok ko na tapos na ako sa kolehiyo. Kumukuha lamang ako ng MBA para ako na ang papalit sa pamamahala ng isa sa mga negosyo ni Don Pedro.
Hindi nga lang talaga malinaw sa akin kung alin sa mga negosyo ni Don Pedro ang aking hahawakan pagdating ng panahon. Hindi ko ata masyadong gusto na hawakan ang mga patawagan (call centers) niya. Kahit iyong mga minahan niya, hindo ko din gusto. Siguro iyong lumilipad na eskwelahan (flying school) pwede pa. O di kaya iyong beach resort niya. Pwede na din siguro iyong IT consulting pero baka maprito ang utak ko doon.
Hay nako, hahaba nanaman ulit ito. Gagawa na lang ulit ako ng bagong pasok bukas. Hanggang sa mulit.
Sunday, February 21, 2010
Subscribe to:
Posts (Atom)