Sunday, February 21, 2010

Buhay Pa Ako

Sa ayaw man at sa gusto niyo, buhay pa ako. Oo, bagama't halos isang taon na akong hindi nakapagsulat dito, may balak pa din naman akong ipagpatuloy itong nasimulan ko.

Sabi ng isa kong kaibigan na nagngangalang Maylisa, masyado daw mahahaba ang aking mga sinusulat kung kaya naman paiikliin ko na ang bawat pasok (entry) mula ngayon.

Naalala ko lang, dahil medyo katunog ang pangalan ng kaibigan ko ang pangalan ng nanalo sa PBB o Pinoy Big Brother, na sawang-sawa na din ako na makita ang Melason sa TV. Tila nalalason na nga ata ako tuwing ililipat ko ang TV sa TFC. Marahil ay nagsawa na lang talaga siguro ako.

Oo, wala ulit ako sa aking minamahal na bansa sa ngayon. Heto ako at nag-aaral pa din sa ibang bansa. Hindi pa din ako natatapos dahil nagpasya akong magtrabaho muna. Hindi ko nalinaw sa nakaraang pasok ko na tapos na ako sa kolehiyo. Kumukuha lamang ako ng MBA para ako na ang papalit sa pamamahala ng isa sa mga negosyo ni Don Pedro.

Hindi nga lang talaga malinaw sa akin kung alin sa mga negosyo ni Don Pedro ang aking hahawakan pagdating ng panahon. Hindi ko ata masyadong gusto na hawakan ang mga patawagan (call centers) niya. Kahit iyong mga minahan niya, hindo ko din gusto. Siguro iyong lumilipad na eskwelahan (flying school) pwede pa. O di kaya iyong beach resort niya. Pwede na din siguro iyong IT consulting pero baka maprito ang utak ko doon.

Hay nako, hahaba nanaman ulit ito. Gagawa na lang ulit ako ng bagong pasok bukas. Hanggang sa mulit.

Tuesday, March 3, 2009

Sabado Sa Baguio At Yamashita Treasure

Sa ibang araw ko na itutuloy ang pagkwento sa panliligaw ko kay Neng. Kahit paano ay may kinalaman pa din naman ito sa kanya sapagkat dati pa niya gustong makarating ng Baguio. Siyempre, kahit hindi ko masyadong gusto ang Baguio dahil malamig diyan, pinangarap ko na ako ang unang magdala sa kaniya rito.

Walang taon na hindi kami napapadpad sa Baguio. Nakagawian na ata ni Don Pedro ang magpalipas ng ilang araw dito tuwing tag-araw. Yaman din lamang na wala akong pasok sa mga panahon na ito, sabit ako.

Marahil ang pinakamaliit na bahay ng aming amo na si Don Pedro ay iyong nasa Baguio. Hindi ito katulad ng bahay sa Batangas, Pampanga, Ilocos, Aklan, Cebu, Bicol, Iloilo, Bohol, Davao, Manila, atbp., na pwedeng hindi magkakitaan ang mga tao sa loob ng ilang araw. Sa katunayan, kahit ang lote na kinatatayuan ng bahay ni Don Pedro ay hindi din gaanong kalakihan. May swimming pool nga ngunit 'sing lamig naman ng yelo ang tubig. Ano kaya iyon? Wala ding helipad 'di tulad sa ibang bahay na aking nabanggit.

Madalas ay kotse lamang ang gamit namin upang makarating sa City of Pines. Natatandaan ko pa na noong una ay ang eroplano ni Don Pedro ang ginamit namin, subalit ng malapit na kami ay kinailangan naming umikot pabalik at sa halip ay sa Ilocos na lamang dumiretso. Mababa daw ang visibility at hindi kakayanin ng mga instrumento ng aming eroplano na makalapag ng maayos. Nung isang beses naman ay sa helicopter kami sumakay, at dahil nga walang sariling helipad si Don Pedro, sa Camp John Hay kami bumaba. Iyon nga lang, dahil nagkalituhan, nag-antay kami ng higit sa isang oras bago dumating ang sundo, kaya uminit ng huwasto ang ulo ni Don Pedro. Mula noon ay sasakyang panglupa na lamang ang aming ginagamit.

Palagay ko, mas kilala ko pa ang mga kapitbahay ni Don Pedro doon kaysa sa kaniya. Halos maloka ako sa aking pagkamangha nang malaman ko na ilang bahay lang ang pagitan ng magkakapitbahay na may apelyidong Viernes, Sabado at Domingo. Ang tadhana nga naman.

"Siguro magkakapatid sila," pabiro kong sinabi sa aking ama, sabay tawa.

Wala lang, deadma. Ni hindi man lang natawa o namangha. Hindi siguro niya nakuha.

Ang mga Viernes na mag-asawa ay mga employado ng Pamantasan ng San Luis, ang mga Sabado ay mga negosyante, at ang mga Domingo naman ay mga manggagamot. Sa kanilang tatlo, ang may pinaka-misteryosong buhay ay ang mga Sabado. Ang mga bali-balita kasi ay nakahukay sila ng ginto sa kanilang lote. Kasama daw ito sa nawawalang Yamashita Treasure.

Naging mag-kaibigan kami ni Julius, ang pangalawang anak ng mga Sabado. Nung una ay hiyang-hiya ako sapagkat napagkamalan nilang pamilya na anak ako ni Don Pedro. Laking tuwa ko naman nang hindi nagbago ang turing nila sa akin pagkatapos kong sabihin na anak ako ng personal na alalay (PA) ni Don Pedro.

Gusto kong maniwala sa mga tsimis na galing sa Yamashita Treasure ang kayaman ng mga Sabado. Paano ba naman, ang paboritong laro ni Julius ay hukay-hukayan, kung saan magpapanggap kami na nasa loob ng kuweba upang maghukay. Laging nagtatapos ang laro namin na kunwari'y nakahanap siya ng ginto. O 'di ba? Saan ba naman niya iyon matututunan kung hindi sa mga magulang niya?

Nang lumaon ay ibinahagi sa akin ni Julius kung paano sila yumaman. Ayon sa kanyang salaysay, nagsimula ang lahat ng negosyo nila sa ilang paketeng sigarilyo. Natuklasan daw ng kaniyang ama na madali itong ilako at pagkakitaan. Pagkalipas ng isang taon ay mayroon na daw silang sari-sari store. Ilang taon pa ay nagtitinda na din sila ng mga gawaing-kamay o handicraft hanggang sa sila ay maging exporter. Pinasok na din nila ang construction business. Sa loob lamang ng limang taon ay naiahon ng kaniyang mga magulang ang mga sarili mula sa kahirapan.

Dahil hindi ko matiis, binanggit ko sa kaniya ang bali-balitang nanggaling sa Yamashita Treasure ang kanilang yaman. Pinabulaanan naman niya ito at sinabing nagsimulang kumalat ang tsismis nung nagtayo sila ng construction business. Kaya daw siguro nahihirapang umunlad ang buhay ng ilan nilang kapit-bahay ay dahil naniniwala pa sila sa Yamashita Treasure at imbes na magsikap ay nagsisipag-hukay sa kanilang mga bakuran sa pag-asang makahanap ng ginto.

Hindi ko alam kung paniniwalaan ko ng lubos ang paliwanag ni Julius ukol sa pinanggalingan ng kanilang yaman. Ang alam ko lang ay mababit sila sa akin at mukhang masisipag talaga ang mga magulang niya.

Saturday, February 28, 2009

Ang Panliligaw Ko Kay Neng — Ikalawang Bahagi

Tunay nga na hindi kami gaanong nagkaintindihan ng ama ni Neng na si Mang Dok. Nung mga panahon kasing iyon, hindi ko pa alam na mainam pala na ligawan din ang ama't ina ng iyong sinisinta. Talagang ang tingin ko lang sa ama ni Neng ay parang kontrabida sa pelikula.

Ang ina naman ni Neng na si Aling Natty ay hindi ko madalas makita dahil siya'y nagtratrabaho sa Japan. Umuuwi lamang siya tuwing pasko, kundi Mahal Na Araw. Maganda naman ang turing sa akin ni Aling Natty sa tuwing kami'y nagkikita. Sa katunayan, lagi akong may pasalubong sa kaniya — damit, medyas, pabango, tsokolate, noodles at kung anu-ano pang produktong Hapon.

Naging panata na ni Aling Natty ang magpabasa tuwing mahal na araw. Sa mga hindi nakakaalam kung ano ang pabasa, ito ay ang pagbabasa ng pakanta ng buhay ni Hesus. May mga aklat ng pasyon na sinusundan. Mayroon din namang sound system para lahat ng pwedeng mabulabog ay mabubulabog. Siyempre, dahil lahat ng pagkakataon upang makasama si Neng ay aking sinasamantala, pumupunta din ako sa mga pabasa kahit pa ako'y madalas na sintonado. Tutal, karamihan naman sa mga may hawak sa mikropono ay magagaspang ang boses. Parang ang alituntunin nga ay mas pangit, mas mabuti. Ewan ko ba.

Isang beses, napahamak nanaman ako kay Mang Dok dahil sa pabasa. Kasi sa pabasa, kahit anong tono ay pwede daw gamitin. May gumamit ng tono ng Leron, Leron Sinta. Meron ding gumamit ng Bahay Kubo. Nung ako na ang iniwan para mamuno, ginamit ko ang tono ng Pare Ko at Overdrive ng Eraserheads. Akalain mo ba namang pitikin ako sa tainga ni Mang Dok???

Saba'y bulong sa akin, "Hijo, palitan mo ang tono mo kung ayaw mong masaktan".

Para namang hindi pa masakit iyong pitik niya.

Ang maganda sa pabasa at Mahal Na Araw ay talagang mahal sa barong-barong nila Mang Dok, Aling Natty, Boyong, Neng, Tom at Inang. Bakit ko nasabi iyan? Kasi, dati-rati, mura sa bahay nila — parang may sale. Paano ba namang itong si Inang ay napakahilig talagang mag-mura.

"Bakit ngayon ka lang umuwi? ~!@#$ mong bata ka!"

"~!@#$ mo! Saan ka nanaman nagpunta?!?"

"~!@#$ niyo! Magtigil nga kayo!"

Dinig iyan hanggang kanto. Para naman kasing hindi niya anak ang ina ni Boyong, Neng o Tom. Minsan nga, nadinig ko na din na murahin siya pabalik ni Boyong, ang kuya ni Neng.

"~!@#$% mo din!"

Pero siyempre, hindi naman niya kayang diretsuhin. Sa hangin niya lang sinasabi.

Basta, kapag Mahal Na Araw, hindi mo madidinig si Inang na nagmumura. Siguro panata na din niya iyan.

Teka, masyado na atang lumalayo ang kwento ko. Balik tayo sa panliligaw ko. Kaya naman ako napunta sa Mahal Na Araw ay dahil nagtapat ako ng aking pag-ibig kay Neng ng Biernes Santo, matapos ang pabasa. Mali nga ata ang timing ko, pero hindi ko na kasi natiis eh. Ilang taon ko na din itinatago. Wala nga lang akong nakuhang sagot sa kaniya nung araw na iyon. Siyempre, tuloy ang laban. Tuloy ang panliligaw.

Napakadami ko pang naranasan na kakaiba sa kanilang pamilya. Ano ba naman ang magagawa ko? Mahal ko si Neng eh!

O siya, sa susunod ko na ito itutuloy. May lakad pa ako eh. Hanggang sa muli.

Friday, February 27, 2009

Ang Panliligaw Ko Kay Neng — Unang Bahagi

Naalala ko ang panliligaw ko kay Neng sapagkat pinadalhan ako ng e-mail ng isa kong kaibigan para maghatid ng chismis at siyempre para laitin ako at ipaalala sa akin ang ginawa ko pang panliligaw sa isa naming dating kaklase na si Celeste. Buong mundo ata ay pinagtawanan ako sa aking ginawa noon. Ito ang pinadalang liham ni Ronaldo:

Hey, dude! How are you? Do you still remember Celeste? They say she's pregnant! Too bad you didn't win her heart, you would have been the dad! Tell me again why she didn't say 'yes'? Oh, I may have some idea... Why on earth did you bring her a sack of rice when you were still courting her?!? Roses would have been nice. Chocolates would've been fine. But a sack of rice? Totally uncool, dude! One more thing, you offered to give her a foot massage??? What the @&#$!?!? You freaked her out dude. She thought you were some kind of foot fetish or somethin'. Were you intentionally trying to scare her away? Anyway, stay cool dude. Hope you've come up with better ways to court girls. Just thought you wanted to find out the news about Celeste.

Ito talagang si Ronaldo, magbibigay na lang ng balita, may kasama pang pang-asar. Pero mabait na kaibigan iyan, laki sa ibang bansa kaya hindi masyadong magaling mag-Tagalog. Parang bakla iyan pag nagta-Tagalog.

Hay, kung maari sana ayaw ko na din alalahanin iyang si Celeste. Bahala na siya sa buhay niya.

Kung ligawan lang ang pag-uusapan, siyempre si Neng ang una kong niligawan. Tulad ng aking nabanggit, si Neng ay nakatira sa tapat lamang ng mas malaking bahay. Maganda si Neng. Ang tatay niya nama'y mukhang kontrabida sa pelikula. Si Don Manalo naman, ang kanilang amo, ay makisig at matipuno — parang bida. Mukha nga lang pilyo sa mga bibe. Minsan, naisip ko nga, baka naman ang totoong ama ni Neng ay... Wag ko na nga lang ituloy, mabasa pa ito ni Neng balang araw.

Uhugin kami nung bata ngunit lagi kaming magkasama ni Neng. Naglalaro kami ng tumbang-preso, siyato, patintero, taguan, habulan, bahay-bahayan, at kung anu-ano pa. Umaakyat kami sa mga puno ng alateris, mangga, santol, bayabas, kaimito at ang marupok na sinigwelas. Kung hindi kami magkasama ay gumagawa ako ng paraan para magkita kami. Isang halimbawa na ang paghiram ko ng libro. Kapag iniisip ko iyan ngayon ay kinikilabutan ako sa kabaduyan ko sapagkat halata naman na hindi ko talaga kailangan ang mga aklat na iyon.

Habang tumatanda ay gumaganda itong si Neng at siyempre, lalo naman akong nabibighani sa kaniya. Palagay ko, una kong naramdaman na may gusto ako sa kaniya nuong kinulong kami ng nakababata niyang kapatid na si Tom sa silid-lalagyan ng mga gamit ng hardinero. Nakakainis nga lang at hindi ata marunong matakot si Neng. Hindi man lamang nagpayakap! Siya pa ang nakagawa ng paraan para makalabas kami. Kainis talaga!

Bakit ko ba nasabing parang kontra-bida itong ama niya na si Mang Andok? (Pero bago iyan, ang tawag ko sa kaniya ay Mang Dok. Hindi iyan dahil manggamot siya kundi dahil dokleng siya.) Paano ba naman, wala na yata akong ginawang tama para sa kaniya mula nung magsimula akong manligaw kay Neng.

"Hijo, Intsik ka ba? May dala ka bang siopao? Bakit tanghaling-tapat ay dumadalaw ka sa anak ko?"

Gusto ko sanang sagutin kaya lang hindi ko nakuha ang ibig niyang sabihin. "Eh ano naman kung Intsik ako?" Pero hindi naman talaga ako Intsik. At bakit, masama bang bumisita ng tanghali?

"O hijo, ang aga mo ah. Tutulong ka ba sa pagsasaka?"

"Ay, hindi naman po. Naisip ko lang, may kasabihan po, 'Ang maagang manok, nahuhuli ang maagang bulate.'

"Bakit, bulate ba ang anak ko?"

Sasagutin ko din sana, "Hindi po, kayo po mukhang butete sa laki ng tiyan niyo."

Puputulin ko muna ang aking kwento dito. Kailangan ko nang maligo at pumasok. Hanggang sa muli.

Thursday, February 26, 2009

Ang Mas Malaking Bahay

Iyan ang tawag namin sa bahay ni Don Pedro sa Batangas. Nakagawian na namin iyan upang hindi kami magkalituhan kung alin sa mga bahay ni Don Pedro ang tinutukoy.

"Saan papatuluyin ni Don Pedro ang mga bisita pagkatapos ng laro?"

"Sa mas malaking bahay yata."

Ang pinakamalapit na kapit-bahay ay nasa kabilang kalsada lamang. Pagmamay-ari ito ni Don Manalo, na hinala namin ay isa ding negosyante ngunit kung anong klase ay walang makapagsabi. Magaganda ang mga anak ni Don Manalo na sila Lorena at Racquel. Panalo nga. Maganda din ang anak ng punong katiwala nito na si Neng. Panalo din ako.

Oo si Neng, ang tinutukoy ko sa aking pagmumuni-muni habang minamaneho ko ang tinakas kong Ferrari. Siya ang aking kababata at unang pag-ibig. Sa totoo lang, hindi ako panalo, talunan ako. Subalit hindi ito ang tamang pahina upang siya'y pag-usapan. Kaya ko nabanggit sila Don Manalo, Lorena, Racquel at si Neng ay sapagkat nalaman ko na ang tawag din pala nila sa bahay ni Don Pedro ay (ang) mas malaking bahay.

Malaki din naman kasi ang bahay nila Don Manalo. Sa totoo lang, dalawang bahay talaga iyan. Kasi kapag tumatawag ako para kausapin si Neng, minsan, ang sagot sa akin ay "Sandali lang, tatawagin ko at nasa kabilang bahay!"

Pero siyempre naman, kung pagkukumparahin, walang panama ang bahay nila sa bahay ni Don Pedro. Kung bahay lang ang pag-uusapan at hindi pa isasama ang spa, basketball gym, tennis court, pelota court, rancho, driving range, shooting range at iba pa, walang-wala na ang bahay nila. Hindi ko kayang ilarawan ng huwasto ang bahay niya dahil hindi ako ganun kagaling sa mga pang-uri ngunit narito ang ilang bahagi na aking lubos na kinaaliwan:
  • Ang aklatan o library - Mula kisame hanggang lapag ay punong-puno ng libro. Gustong-gusto ko pa naman ang amoy ng papel at pabalat. Masarap din kumapit sa bakal na hagdan at paikutin ito mula sa isang dulo hanggang kabilang dulo. Nahilig din ako magbasa at nagsimula ako sa mga aklat na Gulliver's Travels, Arabian Night's at ang Hardy Boys na serye. Pinatulan ko na din ang Nancy Drew at Bobbsey Twins. Nasa unang baitang ako nung mga panahon na iyan.

  • Ang walk-in closet ng mga damit - Kapag nakakapuslit ako papasok nung bata pa ako ay sinusuot ko ang iba sa mga ito sabay rampa sa harap ng salamin. Pakiramdam ko ay artista ako. Napakaganda din magtago dito kung may kalaro lamang ako ng taguan o hide-and-seek.

  • Ang walk-in closet ng mga sapatos - Pinto lang ang namamagitan dito at sa kwarto ng mga damit at mga sapatos. Nung bata ako, madalas akong utusan ng aking ama na magpakintab ng mga sapatos nila Don Manalo. Ito ang paborito kong gawain. Mababango ang mga sapatos; mabango ang amoy ng balat na bumabalot sa buong kwarto.

  • Ang entertainment room - Sa unang basement ito matatagpuan. Dito ay pwede akong magpatugtog ng napakalakas na walang ibang makakarinig basta sarado ang pinto. Dito din matatagpuan ang iba pang libangan tulad ng bilyaran, darts, karaoke, at video games. Siyempre dito ko hinasa ang aking galing sa pagbibilyar, pag-awit at paglalaro ng Street Fighter ng Capcom. Ang Betamax, VHS at Laser Disc player ay hindi na nagagamit. Isama na din diyan ang Blu-ray.

  • Ang teatro - Sa ilalim ng entertainment room ay ang pang dalawampung tao na sinehan ni Don Pedro. Ang mga upuan ay may tatak na "Tamad na totoy" o La-Z-Boy. Minsan nakakatulog ako dito kahit nakapatay ang air-con. Minsan naman ay nag-imbita ang anak ni Don Pedro na si Lala sa kaniyang kaarawan ng mga kaibigan upang panoorin ang Harry Potter. Pero, kahit walang okasyon, madalas silang may bisita na kasama nilang nanood ng mga pelikula. Siyempre, singit ako.

  • Ang swimming pool - Ang nakakamangha sa palanguyan ni Don Pedro ay nasa loob ito ng bahay. Ang bubong ay bumubukas o sumasara sa isang pindot lang ng buton. Iyon nga lang, madidinig mo pa din ang tawag ni Don Pedro para isara o buksan ito. Masarap lumangoy para maglabas ng sama ng loob. Ginaya ko lang naman ang ginagawa ni Don Pedro tuwing umaga kung kaya't ako'y natutong lumangoy ng iba't ibang istilo. Iyan ang naging lamang ko sa aking mga kaklase kaya uno ang aking grado sa swimming.
Hay naku, ilan lamang iyan sa paborito kong mga sulok sa bahay ni Don Pedro. Siguro ay gagawa na lamang akong ng ikalawang bahagi para maikwento ko pa ang ibang mga kalokohan kong ginagawa sa bahay. Mag-aaral muna ako. Hanggang sa muli.

Wednesday, February 25, 2009

Potcholo, Lagi Na Lang Si Potcholo

Madalas kong madinig ang aking pangalan sa aming tinitirahan. Subalit ang tawag na ito mas madalas na para sa aking ama kaysa sa akin. Oo, pareho kami ng pangalan ng aking ama. Kung hindi niyo pa ito alam, baka gusto niyong saglitin ang aking maikling pagpapakilala dito.

"Potcholo, si Mercedes!" Ang paboriting kabayo ni Don Pedro ang kaniyang tinutukoy. Hindi ko alam kung baduy ba itong si Don Pedro at parang narinig ko na iyan sa pelikula.

"Potcholo, ang Mercedes!" Ang puting kotse naman ang tinutukoy niya diyan, na Benzy Renzy ang pangalan sa akin. Dati maganda iyang si Benzy Renzy, pero ngayon mabagal na at hindi na maganda ang air-con — parang may halong alikabok na pumapasok. Kung maaari, ayaw ko ng sumakay kay Benzy Renzy.

Kailangan mapakinggan ng maigi ang sigaw ni Don Pedro dahil isang salita lang ang pagkakaiba sa pagitan ng kabayo at kotse (si at ang). Isang beses ay nakasuot ng amerikana itong si Don Pedro, akalain mo ba namang kabayo ang dinala sa kaniya! Siyempre, minsan, si Don Pedro mismo ang nagkakamali ng sabi. Pero hindi naman siya pwedeng pagalitan di ba?

"Potcholo, ang dilaw na helicopter, madumi na!"

"Potcholo, si Melissa, sunduin sa airport!"

"Potcholo, ang pool, nalinis na ba?"

"Potcholo, ang bisita sa teatro, asikasuhin!"

"Potcholo, ang bilyaran, pakihanda!"

Tunay nga'ng samu't-sari ang kahilingan ni Don Pedro na kailangan pagtuunan ng pansin ng aking ama. Sa laki ba naman ng bahay niya, di pa kasama ang buong hacienda, napadaming kailangan asikasuhin.

Napansin ko lang, sa pagtawag ni Don Pedro, laging may hinto pagkatapos ng Potcholo. At hindi siya halos gumagamit ng kumpletong pangungusap, lagi lang barirala. Palagi din nauuna ang paksa bago ang utos o pahiwatig. Meron na nga akong formula eh: Potcholo + (hinto) + (ang bagay) + (ang utos o pahiwatig).

Palagay ko, nung mas bata pa si Don Pedro, ang kuwit ay napapalitan ng panamdam:

"Potcholo! Ang dilaw na helicopter, madumi na!"

"Potcholo! Si Melissa, sunduin sa airport!"

"Potcholo! Ang pool, nalinis na ba?"

"Potcholo! Ang bisita sa teatro, asikasuhin!"

"Potcholo! Ang bilyaran, pakihanda!"

Siyempre, ang tatay ko naman, hindi magkandaugago na parang heneral sa kakautos sa mga tagapagsilbi. Si Don Pedro naman, kahit napakadami ng katulong at iba pang tagapagsilbi, Potcholo lang ang alam bigkasin. Palagay ko, iyan din ang dahilan kung bakit Potcholo ang pinangalan sa akin. Kulang na lang siguro ay maging Potcholo One at Potcholo Two ang itawag sa amin.

Minsan, dahil magkaibigan nga ang aking ama at si Don Pedro, nakakalimutan ni itay na amo niya si Don Pedro.

"Potcholo, lagi na lang si Potcholo!" iyan ang madalas niyang daing.

Kung kaya't ako naman ay ginagamit ko din ang linyang iyan sa kaniya.

Hindi lang naman ako ang gaya-gaya eh. Siya din. Malaman-laman ko ba namang ang linyang madalas niyang gamitin sa akin kapag tinatakas ko si Perdi, ang dilaw na Ferrari, ay hindi pala sa kaniya galing.

"Potcholo! Ang Ferrari! Wag paglaruan," ang pasigaw na paalala ni Don Pedro.

"Mahal iyan! Nariyan ang Mercedes!" dagdag pa niya.

Kinalaunan, iba na ang hirit niya:

"Mahal iyan! Nariyan ang BMW!"

Kita mo na, binago lang ng kaunti ng aking ama ang bulyaw sa kaniya bago ipinasa sa akin.

Siguro, iyan ang diskarte ng tatay ko noon. Tatay, SMPB — style mo po bulok! (May paggalang pa din itay ha, dahil may po) Kaya siguro binigay sa kaniya iyong BMW.

Siyempre, gaya-gaya din ako. Inisip ko, baka mapunta sa akin ang Ferrari dahil medyo matanda na naman si Don Pedro at ang mga anak naman ay palaging nasa ibang bansa. Pero hindi masyadong mabisa eh. Akalain ko ba naman ang Mercedes ang ibigay sa akin! Inisip ko na lang, Benzy Renzy ngayon, Perdi balang araw. Hay naku!

O siya, mag-papanggap muna akong nag-aaral. May pagsusulit pa kami bukas. Hanggang sa muli.

Tuesday, February 24, 2009

"Potcholo, Wag Ang Ferrari!"

"Potcholo! Sinabi ko na sa iyo, wag paglaruan ang Ferrari! Mahal iyan! Nariyan ang BMW!", iyan ang bungad na pasigaw na pagbati ng aking ama habang bumaba ako sa dilaw na sasakyan.

Hindi ko malaman ang aking isasagot. Sa isang banda, masaya ako at naitakas ko nanaman ang Ferrari. Sa kabilang kanto naman, nakakalungkot sapagkat sinisigawan ako ng aking itay at una pa niyang naisip ang sasakyan kaysa sa akin. Hindi ko rin alam kung matatawa ako, dahil sa kwento ng mga kasama namin sa bahay, gawain din ng tatay kong itakas ang mga sasakyan ni Don Pedro nung siya'y medyo bata pa at pumoporma sa mga dalaga. Ang BMW naman ay pinamana na sa kaniya ni Don Pedro. Paano mo naman maitatakas ang sa iyo? Hindi na takas iyon, di ba?

Masarap na nakakatakot manihuin ang Ferrari. Masarap dahil makinis at mabilis ang kagandahang ito. Nakakatakot naman dahil mahirap paamuhin ang mabangis na hayop na ito at hindi mo alam kung kailan ito magpipipiglas mula sa iyong kapit. Hindi naman pwedeng mabagal dahil mag-iinit ang makina. Kaya hataw ako sa Aguinaldo Highway kahit medyo kinakabahan.

Gusto kong nakababa ang bintana habang nagpapatugtog ng malakas at ako'y humaharabas. Hindi naibababa ang bubong ng Ferrari na ito 'di tulad nung sa pulang Porscha. (May sarili akong mga pangalan para sa mga sasakyan ni Don Pedro pero sa susunod ko na ibabahagi.) Ang kanta ni Ely Buendia at ng Eraserheads na Overdrive naman ang paborito kong pakinggan habang pinakikiramdaman ko ang malakas na hampas ng sariwang hangin sa aking mukha.

Magda-drive ako hanggang Baguio
Magda-drive ako hanggang Bicol
Magda-drive ako hanggang Batangas
Tapos magswi-swimming d'on sa beach

Iyang kantang din ang ngayo'y nagpapaalala sa akin ng mga panahong ginagawa ko pa ang pagtakas. Hay, nakakamiss nga naman. Sayang, hindi ako sinagot ni Neng nung mga panahon na iyon. Sana may kasama akong namamasyal sa buwan at nagtatampisaw sa dagat. Si Neng talaga!

Heto na't tumutugtog ang para sa aki'y nakakaiyak na awiting Pare Ko.

Pinaasa niya lang ako
Lecheng pag-ibig to-o-o-oh

Paalam muna. Hanap akong tisyu. Hanggang sa muli.