Madalas kong madinig ang aking pangalan sa aming tinitirahan. Subalit ang tawag na ito mas madalas na para sa aking ama kaysa sa akin. Oo, pareho kami ng pangalan ng aking ama. Kung hindi niyo pa ito alam, baka gusto niyong saglitin ang aking maikling pagpapakilala dito.
"Potcholo, si Mercedes!" Ang paboriting kabayo ni Don Pedro ang kaniyang tinutukoy. Hindi ko alam kung baduy ba itong si Don Pedro at parang narinig ko na iyan sa pelikula.
"Potcholo, ang Mercedes!" Ang puting kotse naman ang tinutukoy niya diyan, na Benzy Renzy ang pangalan sa akin. Dati maganda iyang si Benzy Renzy, pero ngayon mabagal na at hindi na maganda ang air-con — parang may halong alikabok na pumapasok. Kung maaari, ayaw ko ng sumakay kay Benzy Renzy.
Kailangan mapakinggan ng maigi ang sigaw ni Don Pedro dahil isang salita lang ang pagkakaiba sa pagitan ng kabayo at kotse (si at ang). Isang beses ay nakasuot ng amerikana itong si Don Pedro, akalain mo ba namang kabayo ang dinala sa kaniya! Siyempre, minsan, si Don Pedro mismo ang nagkakamali ng sabi. Pero hindi naman siya pwedeng pagalitan di ba?
"Potcholo, ang dilaw na helicopter, madumi na!"
"Potcholo, si Melissa, sunduin sa airport!"
"Potcholo, ang pool, nalinis na ba?"
"Potcholo, ang bisita sa teatro, asikasuhin!"
"Potcholo, ang bilyaran, pakihanda!"
Tunay nga'ng samu't-sari ang kahilingan ni Don Pedro na kailangan pagtuunan ng pansin ng aking ama. Sa laki ba naman ng bahay niya, di pa kasama ang buong hacienda, napadaming kailangan asikasuhin.
Napansin ko lang, sa pagtawag ni Don Pedro, laging may hinto pagkatapos ng Potcholo. At hindi siya halos gumagamit ng kumpletong pangungusap, lagi lang barirala. Palagi din nauuna ang paksa bago ang utos o pahiwatig. Meron na nga akong formula eh: Potcholo + (hinto) + (ang bagay) + (ang utos o pahiwatig).
Palagay ko, nung mas bata pa si Don Pedro, ang kuwit ay napapalitan ng panamdam:
"Potcholo! Ang dilaw na helicopter, madumi na!"
"Potcholo! Si Melissa, sunduin sa airport!"
"Potcholo! Ang pool, nalinis na ba?"
"Potcholo! Ang bisita sa teatro, asikasuhin!"
"Potcholo! Ang bilyaran, pakihanda!"
Siyempre, ang tatay ko naman, hindi magkandaugago na parang heneral sa kakautos sa mga tagapagsilbi. Si Don Pedro naman, kahit napakadami ng katulong at iba pang tagapagsilbi, Potcholo lang ang alam bigkasin. Palagay ko, iyan din ang dahilan kung bakit Potcholo ang pinangalan sa akin. Kulang na lang siguro ay maging Potcholo One at Potcholo Two ang itawag sa amin.
Minsan, dahil magkaibigan nga ang aking ama at si Don Pedro, nakakalimutan ni itay na amo niya si Don Pedro.
"Potcholo, lagi na lang si Potcholo!" iyan ang madalas niyang daing.
Kung kaya't ako naman ay ginagamit ko din ang linyang iyan sa kaniya.
Hindi lang naman ako ang gaya-gaya eh. Siya din. Malaman-laman ko ba namang ang linyang madalas niyang gamitin sa akin kapag tinatakas ko si Perdi, ang dilaw na Ferrari, ay hindi pala sa kaniya galing.
"Potcholo! Ang Ferrari! Wag paglaruan," ang pasigaw na paalala ni Don Pedro.
"Mahal iyan! Nariyan ang Mercedes!" dagdag pa niya.
Kinalaunan, iba na ang hirit niya:
"Mahal iyan! Nariyan ang BMW!"
Kita mo na, binago lang ng kaunti ng aking ama ang bulyaw sa kaniya bago ipinasa sa akin.
Siguro, iyan ang diskarte ng tatay ko noon. Tatay, SMPB — style mo po bulok! (May paggalang pa din itay ha, dahil may po) Kaya siguro binigay sa kaniya iyong BMW.
Siyempre, gaya-gaya din ako. Inisip ko, baka mapunta sa akin ang Ferrari dahil medyo matanda na naman si Don Pedro at ang mga anak naman ay palaging nasa ibang bansa. Pero hindi masyadong mabisa eh. Akalain ko ba naman ang Mercedes ang ibigay sa akin! Inisip ko na lang, Benzy Renzy ngayon, Perdi balang araw. Hay naku!
O siya, mag-papanggap muna akong nag-aaral. May pagsusulit pa kami bukas. Hanggang sa muli.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
wow, atleast may kotse ka XD
ReplyDelete