Tunay nga na hindi kami gaanong nagkaintindihan ng ama ni Neng na si Mang Dok. Nung mga panahon kasing iyon, hindi ko pa alam na mainam pala na ligawan din ang ama't ina ng iyong sinisinta. Talagang ang tingin ko lang sa ama ni Neng ay parang kontrabida sa pelikula.
Ang ina naman ni Neng na si Aling Natty ay hindi ko madalas makita dahil siya'y nagtratrabaho sa Japan. Umuuwi lamang siya tuwing pasko, kundi Mahal Na Araw. Maganda naman ang turing sa akin ni Aling Natty sa tuwing kami'y nagkikita. Sa katunayan, lagi akong may pasalubong sa kaniya — damit, medyas, pabango, tsokolate, noodles at kung anu-ano pang produktong Hapon.
Naging panata na ni Aling Natty ang magpabasa tuwing mahal na araw. Sa mga hindi nakakaalam kung ano ang pabasa, ito ay ang pagbabasa ng pakanta ng buhay ni Hesus. May mga aklat ng pasyon na sinusundan. Mayroon din namang sound system para lahat ng pwedeng mabulabog ay mabubulabog. Siyempre, dahil lahat ng pagkakataon upang makasama si Neng ay aking sinasamantala, pumupunta din ako sa mga pabasa kahit pa ako'y madalas na sintonado. Tutal, karamihan naman sa mga may hawak sa mikropono ay magagaspang ang boses. Parang ang alituntunin nga ay mas pangit, mas mabuti. Ewan ko ba.
Isang beses, napahamak nanaman ako kay Mang Dok dahil sa pabasa. Kasi sa pabasa, kahit anong tono ay pwede daw gamitin. May gumamit ng tono ng Leron, Leron Sinta. Meron ding gumamit ng Bahay Kubo. Nung ako na ang iniwan para mamuno, ginamit ko ang tono ng Pare Ko at Overdrive ng Eraserheads. Akalain mo ba namang pitikin ako sa tainga ni Mang Dok???
Saba'y bulong sa akin, "Hijo, palitan mo ang tono mo kung ayaw mong masaktan".
Para namang hindi pa masakit iyong pitik niya.
Ang maganda sa pabasa at Mahal Na Araw ay talagang mahal sa barong-barong nila Mang Dok, Aling Natty, Boyong, Neng, Tom at Inang. Bakit ko nasabi iyan? Kasi, dati-rati, mura sa bahay nila — parang may sale. Paano ba namang itong si Inang ay napakahilig talagang mag-mura.
"Bakit ngayon ka lang umuwi? ~!@#$ mong bata ka!"
"~!@#$ mo! Saan ka nanaman nagpunta?!?"
"~!@#$ niyo! Magtigil nga kayo!"
Dinig iyan hanggang kanto. Para naman kasing hindi niya anak ang ina ni Boyong, Neng o Tom. Minsan nga, nadinig ko na din na murahin siya pabalik ni Boyong, ang kuya ni Neng.
"~!@#$% mo din!"
Pero siyempre, hindi naman niya kayang diretsuhin. Sa hangin niya lang sinasabi.
Basta, kapag Mahal Na Araw, hindi mo madidinig si Inang na nagmumura. Siguro panata na din niya iyan.
Teka, masyado na atang lumalayo ang kwento ko. Balik tayo sa panliligaw ko. Kaya naman ako napunta sa Mahal Na Araw ay dahil nagtapat ako ng aking pag-ibig kay Neng ng Biernes Santo, matapos ang pabasa. Mali nga ata ang timing ko, pero hindi ko na kasi natiis eh. Ilang taon ko na din itinatago. Wala nga lang akong nakuhang sagot sa kaniya nung araw na iyon. Siyempre, tuloy ang laban. Tuloy ang panliligaw.
Napakadami ko pang naranasan na kakaiba sa kanilang pamilya. Ano ba naman ang magagawa ko? Mahal ko si Neng eh!
O siya, sa susunod ko na ito itutuloy. May lakad pa ako eh. Hanggang sa muli.
Saturday, February 28, 2009
Ang Panliligaw Ko Kay Neng — Ikalawang Bahagi
Labels:
eraserheads,
filipino,
mahal na araw,
neng,
pabasa,
pilipino,
pinoy,
potcholo
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment