Hindi ko malaman ang aking isasagot. Sa isang banda, masaya ako at naitakas ko nanaman ang Ferrari. Sa kabilang kanto naman, nakakalungkot sapagkat sinisigawan ako ng aking itay at una pa niyang naisip ang sasakyan kaysa sa akin. Hindi ko rin alam kung matatawa ako, dahil sa kwento ng mga kasama namin sa bahay, gawain din ng tatay kong itakas ang mga sasakyan ni Don Pedro nung siya'y medyo bata pa at pumoporma sa mga dalaga. Ang BMW naman ay pinamana na sa kaniya ni Don Pedro. Paano mo naman maitatakas ang sa iyo? Hindi na takas iyon, di ba?
Masarap na nakakatakot manihuin ang Ferrari. Masarap dahil makinis at mabilis ang kagandahang ito. Nakakatakot naman dahil mahirap paamuhin ang mabangis na hayop na ito at hindi mo alam kung kailan ito magpipipiglas mula sa iyong kapit. Hindi naman pwedeng mabagal dahil mag-iinit ang makina. Kaya hataw ako sa Aguinaldo Highway kahit medyo kinakabahan.
Gusto kong nakababa ang bintana habang nagpapatugtog ng malakas at ako'y humaharabas. Hindi naibababa ang bubong ng Ferrari na ito 'di tulad nung sa pulang Porscha. (May sarili akong mga pangalan para sa mga sasakyan ni Don Pedro pero sa susunod ko na ibabahagi.) Ang kanta ni Ely Buendia at ng Eraserheads na Overdrive naman ang paborito kong pakinggan habang pinakikiramdaman ko ang malakas na hampas ng sariwang hangin sa aking mukha.
Magda-drive ako hanggang Baguio
Magda-drive ako hanggang Bicol
Magda-drive ako hanggang Batangas
Tapos magswi-swimming d'on sa beach
Iyang kantang din ang ngayo'y nagpapaalala sa akin ng mga panahong ginagawa ko pa ang pagtakas. Hay, nakakamiss nga naman. Sayang, hindi ako sinagot ni Neng nung mga panahon na iyon. Sana may kasama akong namamasyal sa buwan at nagtatampisaw sa dagat. Si Neng talaga!
Heto na't tumutugtog ang para sa aki'y nakakaiyak na awiting Pare Ko.
Pinaasa niya lang ako
Lecheng pag-ibig to-o-o-oh
Paalam muna. Hanap akong tisyu. Hanggang sa muli.
No comments:
Post a Comment