"Saan papatuluyin ni Don Pedro ang mga bisita pagkatapos ng laro?"
"Sa mas malaking bahay yata."
Ang pinakamalapit na kapit-bahay ay nasa kabilang kalsada lamang. Pagmamay-ari ito ni Don Manalo, na hinala namin ay isa ding negosyante ngunit kung anong klase ay walang makapagsabi. Magaganda ang mga anak ni Don Manalo na sila Lorena at Racquel. Panalo nga. Maganda din ang anak ng punong katiwala nito na si Neng. Panalo din ako.
Oo si Neng, ang tinutukoy ko sa aking pagmumuni-muni habang minamaneho ko ang tinakas kong Ferrari. Siya ang aking kababata at unang pag-ibig. Sa totoo lang, hindi ako panalo, talunan ako. Subalit hindi ito ang tamang pahina upang siya'y pag-usapan. Kaya ko nabanggit sila Don Manalo, Lorena, Racquel at si Neng ay sapagkat nalaman ko na ang tawag din pala nila sa bahay ni Don Pedro ay (ang) mas malaking bahay.
Malaki din naman kasi ang bahay nila Don Manalo. Sa totoo lang, dalawang bahay talaga iyan. Kasi kapag tumatawag ako para kausapin si Neng, minsan, ang sagot sa akin ay "Sandali lang, tatawagin ko at nasa kabilang bahay!"
Pero siyempre naman, kung pagkukumparahin, walang panama ang bahay nila sa bahay ni Don Pedro. Kung bahay lang ang pag-uusapan at hindi pa isasama ang spa, basketball gym, tennis court, pelota court, rancho, driving range, shooting range at iba pa, walang-wala na ang bahay nila. Hindi ko kayang ilarawan ng huwasto ang bahay niya dahil hindi ako ganun kagaling sa mga pang-uri ngunit narito ang ilang bahagi na aking lubos na kinaaliwan:
- Ang aklatan o library - Mula kisame hanggang lapag ay punong-puno ng libro. Gustong-gusto ko pa naman ang amoy ng papel at pabalat. Masarap din kumapit sa bakal na hagdan at paikutin ito mula sa isang dulo hanggang kabilang dulo. Nahilig din ako magbasa at nagsimula ako sa mga aklat na Gulliver's Travels, Arabian Night's at ang Hardy Boys na serye. Pinatulan ko na din ang Nancy Drew at Bobbsey Twins. Nasa unang baitang ako nung mga panahon na iyan.
- Ang walk-in closet ng mga damit - Kapag nakakapuslit ako papasok nung bata pa ako ay sinusuot ko ang iba sa mga ito sabay rampa sa harap ng salamin. Pakiramdam ko ay artista ako. Napakaganda din magtago dito kung may kalaro lamang ako ng taguan o hide-and-seek.
- Ang walk-in closet ng mga sapatos - Pinto lang ang namamagitan dito at sa kwarto ng mga damit at mga sapatos. Nung bata ako, madalas akong utusan ng aking ama na magpakintab ng mga sapatos nila Don Manalo. Ito ang paborito kong gawain. Mababango ang mga sapatos; mabango ang amoy ng balat na bumabalot sa buong kwarto.
- Ang entertainment room - Sa unang basement ito matatagpuan. Dito ay pwede akong magpatugtog ng napakalakas na walang ibang makakarinig basta sarado ang pinto. Dito din matatagpuan ang iba pang libangan tulad ng bilyaran, darts, karaoke, at video games. Siyempre dito ko hinasa ang aking galing sa pagbibilyar, pag-awit at paglalaro ng Street Fighter ng Capcom. Ang Betamax, VHS at Laser Disc player ay hindi na nagagamit. Isama na din diyan ang Blu-ray.
- Ang teatro - Sa ilalim ng entertainment room ay ang pang dalawampung tao na sinehan ni Don Pedro. Ang mga upuan ay may tatak na "Tamad na totoy" o La-Z-Boy. Minsan nakakatulog ako dito kahit nakapatay ang air-con. Minsan naman ay nag-imbita ang anak ni Don Pedro na si Lala sa kaniyang kaarawan ng mga kaibigan upang panoorin ang Harry Potter. Pero, kahit walang okasyon, madalas silang may bisita na kasama nilang nanood ng mga pelikula. Siyempre, singit ako.
- Ang swimming pool - Ang nakakamangha sa palanguyan ni Don Pedro ay nasa loob ito ng bahay. Ang bubong ay bumubukas o sumasara sa isang pindot lang ng buton. Iyon nga lang, madidinig mo pa din ang tawag ni Don Pedro para isara o buksan ito. Masarap lumangoy para maglabas ng sama ng loob. Ginaya ko lang naman ang ginagawa ni Don Pedro tuwing umaga kung kaya't ako'y natutong lumangoy ng iba't ibang istilo. Iyan ang naging lamang ko sa aking mga kaklase kaya uno ang aking grado sa swimming.
astig naman ang bahay nila @_@ nakakamangha!
ReplyDelete