Ako si Potcholo, na anak naman ni Potcholo Sr. Tunay na makasaysayan ang aming kwento at nais kong maibahagi sa inyong lahat ito.
Bilang panimula, ang aking ama ay naninilbihan bilang Personal Alalay (PA) ng isa sa mayayamang pamilya sa Pilipinas. Ayon sa kaniyang salaysay, nagkakilala sila ni Don Pedro nung siya'y namamasukan bilang guwardiya sa kumpanyang pinagtratrabahuan ni Don Pedro. Oo, hindi pinanganak si Don Pedrong may pilak na kutsarita sa bibig. Kung paano siya yumaman ay magandang kwento din. Ngunit para sa akin, ang pagkakaibigang namuo sa kanila ay mas makulay at makabuluhan.
Bago ako mapakwento, maganda sigurong magsimula ako sa pagsabi ng ilang bagay tungkol sa akin at hindi sa tatay ko o kay Don Pedro na tinuring ko na ring pangalawang ama dahil sa pagturing niya sa akin bilang isang anak.
Ang aking palayaw ay Potcholo din. Inayawan ko ang Potpot at Cholo dahil parehong masagwa. Ayos na sana ang Potch sapagkat medyo Posh ang dating sa wikang Ingles, di ba? Kaya lang parang hindi masyadong lalaki ang dating kaya inayawan ko na din. At isa pa, may nangbu-bully sa akin at lagi akong niloloko at sinasabing "Anak ng Pooootch naman!"Hindi ko din ginusto ang Jun o di kaya'y Junior sapagkat napakadami na nila sa mundo. Sinubukan din ng kaibigan kong tawagin akong P.S. na hango sa aking initials ngunit hindi ko nagustuhan pagkatapos ng ilang araw sapagkat malapit ito sa B.S. na mas alam ng lahat na bullshit kaysa Bachelor of Science. Isa pa, ayaw kong parang Post Script lang ang pangalan ko. Gusto ko siyempre ako ang gitnang tema, hindi pahabol lamang.
Hanggang diyan muna ang aking ibabahagi. Mag-aaral muna ako at baka lumagpak ako at mapauwi ng di oras. Ayaw kong masira ang mga pangarap ng aking ama at ni Don Pedro para sa akin. Hanggang sa muli.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment