Sa ibang araw ko na itutuloy ang pagkwento sa panliligaw ko kay Neng. Kahit paano ay may kinalaman pa din naman ito sa kanya sapagkat dati pa niya gustong makarating ng Baguio. Siyempre, kahit hindi ko masyadong gusto ang Baguio dahil malamig diyan, pinangarap ko na ako ang unang magdala sa kaniya rito.
Walang taon na hindi kami napapadpad sa Baguio. Nakagawian na ata ni Don Pedro ang magpalipas ng ilang araw dito tuwing tag-araw. Yaman din lamang na wala akong pasok sa mga panahon na ito, sabit ako.
Marahil ang pinakamaliit na bahay ng aming amo na si Don Pedro ay iyong nasa Baguio. Hindi ito katulad ng bahay sa Batangas, Pampanga, Ilocos, Aklan, Cebu, Bicol, Iloilo, Bohol, Davao, Manila, atbp., na pwedeng hindi magkakitaan ang mga tao sa loob ng ilang araw. Sa katunayan, kahit ang lote na kinatatayuan ng bahay ni Don Pedro ay hindi din gaanong kalakihan. May swimming pool nga ngunit 'sing lamig naman ng yelo ang tubig. Ano kaya iyon? Wala ding helipad 'di tulad sa ibang bahay na aking nabanggit.
Madalas ay kotse lamang ang gamit namin upang makarating sa City of Pines. Natatandaan ko pa na noong una ay ang eroplano ni Don Pedro ang ginamit namin, subalit ng malapit na kami ay kinailangan naming umikot pabalik at sa halip ay sa Ilocos na lamang dumiretso. Mababa daw ang visibility at hindi kakayanin ng mga instrumento ng aming eroplano na makalapag ng maayos. Nung isang beses naman ay sa helicopter kami sumakay, at dahil nga walang sariling helipad si Don Pedro, sa Camp John Hay kami bumaba. Iyon nga lang, dahil nagkalituhan, nag-antay kami ng higit sa isang oras bago dumating ang sundo, kaya uminit ng huwasto ang ulo ni Don Pedro. Mula noon ay sasakyang panglupa na lamang ang aming ginagamit.
Palagay ko, mas kilala ko pa ang mga kapitbahay ni Don Pedro doon kaysa sa kaniya. Halos maloka ako sa aking pagkamangha nang malaman ko na ilang bahay lang ang pagitan ng magkakapitbahay na may apelyidong Viernes, Sabado at Domingo. Ang tadhana nga naman.
"Siguro magkakapatid sila," pabiro kong sinabi sa aking ama, sabay tawa.
Wala lang, deadma. Ni hindi man lang natawa o namangha. Hindi siguro niya nakuha.
Ang mga Viernes na mag-asawa ay mga employado ng Pamantasan ng San Luis, ang mga Sabado ay mga negosyante, at ang mga Domingo naman ay mga manggagamot. Sa kanilang tatlo, ang may pinaka-misteryosong buhay ay ang mga Sabado. Ang mga bali-balita kasi ay nakahukay sila ng ginto sa kanilang lote. Kasama daw ito sa nawawalang Yamashita Treasure.
Naging mag-kaibigan kami ni Julius, ang pangalawang anak ng mga Sabado. Nung una ay hiyang-hiya ako sapagkat napagkamalan nilang pamilya na anak ako ni Don Pedro. Laking tuwa ko naman nang hindi nagbago ang turing nila sa akin pagkatapos kong sabihin na anak ako ng personal na alalay (PA) ni Don Pedro.
Gusto kong maniwala sa mga tsimis na galing sa Yamashita Treasure ang kayaman ng mga Sabado. Paano ba naman, ang paboritong laro ni Julius ay hukay-hukayan, kung saan magpapanggap kami na nasa loob ng kuweba upang maghukay. Laging nagtatapos ang laro namin na kunwari'y nakahanap siya ng ginto. O 'di ba? Saan ba naman niya iyon matututunan kung hindi sa mga magulang niya?
Nang lumaon ay ibinahagi sa akin ni Julius kung paano sila yumaman. Ayon sa kanyang salaysay, nagsimula ang lahat ng negosyo nila sa ilang paketeng sigarilyo. Natuklasan daw ng kaniyang ama na madali itong ilako at pagkakitaan. Pagkalipas ng isang taon ay mayroon na daw silang sari-sari store. Ilang taon pa ay nagtitinda na din sila ng mga gawaing-kamay o handicraft hanggang sa sila ay maging exporter. Pinasok na din nila ang construction business. Sa loob lamang ng limang taon ay naiahon ng kaniyang mga magulang ang mga sarili mula sa kahirapan.
Dahil hindi ko matiis, binanggit ko sa kaniya ang bali-balitang nanggaling sa Yamashita Treasure ang kanilang yaman. Pinabulaanan naman niya ito at sinabing nagsimulang kumalat ang tsismis nung nagtayo sila ng construction business. Kaya daw siguro nahihirapang umunlad ang buhay ng ilan nilang kapit-bahay ay dahil naniniwala pa sila sa Yamashita Treasure at imbes na magsikap ay nagsisipag-hukay sa kanilang mga bakuran sa pag-asang makahanap ng ginto.
Hindi ko alam kung paniniwalaan ko ng lubos ang paliwanag ni Julius ukol sa pinanggalingan ng kanilang yaman. Ang alam ko lang ay mababit sila sa akin at mukhang masisipag talaga ang mga magulang niya.
Tuesday, March 3, 2009
Subscribe to:
Posts (Atom)